top of page

Marka ng buhay

  • Writer: Nerelyn Fabro
    Nerelyn Fabro
  • Dec 5, 2025
  • 1 min read
Marka ng buhay poem

Sinasabi ng iba na ang tattoo ko’y kasalanan,

Na ito’y pagrerebelde at dumi sa katawan.

Ngunit nakamarka sa aking balat ang hirap ng kahapon,

Ang kuwento ng luha, pangarap, at aking pagbangon.


Sa haplos ng karayom, puso'y kinabahan,

At ang pagdaloy ng tinta sa balat, aking minasdan.

Masakit ngunit namuo ang aking tapang,

At ito ngayon ay guhit na aking pinanghahawakan.


Bulaklak na namumukadkad sa tapat ng aking puso,

Nanghina ngunit pinilit kong tumayo.

Ibon na lumilipad sa buhay ng aking braso.

Nakulong sa lungkot, ngunit ngayo'y malaya sa mundo.


Nabubuhay ang pangarap, sa tuwing tinitignan,

Ito’y panata at simbolo ng sariling kalooban.

Bawat marka’y yakap sa damdamin at tapang na inangkin.

Na noon ang sarili'y hindi magawang mahalin.


Mali man sa paningin ng iba, natutunan ko ring tanggapin,

Na ang kuwento ko'y para lamang sa akin.

Ito'y naglalarawan sa buhay na akin pang lalakbayin,

At ang tattoo ko'y isang sining na habambuhay dadalhin.


Comments


Young Filipino's best stories written through poetry, flash fictions, and listicles in Young Pilipinas
YoungPilipinas.com
bottom of page